Tiiiiiiit! Tiiiiiiit!
Dali dali akong naligo. Mahaba ang araw na’to. I can feel it.
Nagtanggal na ako ng shorts at sando. Kumuha ng tuwalya at nagtapis na. Wala akong sariling CR kaya kila mama ako makikiligo.
20 minutes. Wow, mabilis akong naligo ngayon ah. Excited kasi ako. Usually, more than 30 ako kung maligo.
Pagkabihis, kumain na ako ng almusal, kinuha ang gamit ko, tapos nagtawag na ng trike para makaalis.
----------
Paakyat ako sa hagdan. Math building, room 201. Sinigurado kong tama ang papasukan ko.
Tinignan ko pa ang printed registration form ko. Ayan, Math Building 201 nga, 8:00 am.
Dug-dug. Kinakabahan ako. Tama naman siguro ‘tong pinapasok ko.
Hindi ko alam kung kakatok ako. Hinintay ko na ‘lang na may pumasok, tapos nakisabay na ‘lang ako. Cool.
Isang mabilis na paglingon sa kanila, mga 180 degrees. Hinahanap ko kung saan ako uupo. May vacant sa second row. Umupo na ako.
“Hi, anong course mo?” usisa ng isang babae. Nagawa kong kumaway. Mga 45 degrees lang.
“Applied Mathematics,” tipid kong sagot. Ano ba, mahiyain nga eh.
“Ay! Ako din. Freshman ka? Para kang lost eh.”
“Hehe, transferee. Toper nga pala.”
“Ai,” sabay ngiti. Kay sweet na bata.
Irene Apolonio, 18 years old. Third year BS Mathematics. Tantiya ko mga 5’3. Above average ang itsura. Hindi ganoon kagandahan, pero hindi naman pangit. Wow, makapanglait ako no, parang ang gwapo ko diba? May something sa kaniya. Ang bubbly niya kasi. Isama mo pa ang bubbly niyang mga pisngi. ‘Yun din talaga ang una kong napansin. Ang pisngi niya. Parang ang sarap pisilin. Vital stats: maliit ang kuwan. Parang dalawang pinagpatong na bavarian ng Dunkin Donuts. Ay syet, bakit ba doon ako nakatingin?
Tahimik ako sa buong klase, palibhasa salita naman ng salita ang teacher. Tumatawag ng studyante minsan, magpa-parecall lang ng mga formulas. So far so good, may background din naman mula sa pinanggalingan kong school.
Natapos ang klase.
“Uy, nice meeting you. Bukas tabi tayo ulit ha,” sabay papungay na naman ng mata. Ano ba ate. Ang cute mo na.
“Sige Ai, ingat!” Napalakas yata ang pagkakasabi ko. Nahiya ako kaya napayuko bigla.
“Cute mo. Sana lagi kang ganiyan. Bawal tahimik dito.”
Matapos noon, pumunta na ako sa isa ko pang klase. Ganito ang sistema dito. Ikaw ang pupunta sa klase. Palipat lipat. Parang kami lang ng pamilya ko.
Hindi naman ito ang first time kong maglipat. Nasanay na.
Same building ang sunod kong klase.
Ganoon halos ang lahat ng klase ko.
--------
2:00 pm. Last class ko ngayong araw. Malamang Math ulit.
May tumulak sa akin. Nabunggo ako sa gilid ng pinto, nalaglag ang ilang notebooks ko.
“Anak ng,” sino ba ‘yun? Pwede naman kasing magdahan-dahan sa pagpasok ng pinto. Nakakahiya.
“Hiii Toper!”
Parang bell naman ang boses niya. Si Ai pala.
“Di ka naman masyadong excited niyan? Grabe naman makatulak,” grabe lang talaga.
“Lambing ‘yun. Ano ba. Sungit mo naman. Friends kaya tayo.”
Ngumiti na ‘lang ako. Kung ‘di ka lang babae eh.
“Tara na nga,” yaya ko sa kaniya.
Magkatabi ulit kami. This time, mahilig na magtanong ang teacher. Siguro dahil hindi siya pamilyar sa mukha ko, kaya tinawag niya ako. Sumagot naman ako. Mukhang ayos ang sagot ko, kaya nginitian ako ng teacher pagkatapos.
Nag-bell na. Dali dali nakong nag-ayos para umuwi.
“Transferee ka? Ngayon lang kita nakita. Maganda ang sagot mo kanina ah.”
“Opo sir. Favorite ko po kasi ‘yung field na ‘to. Sige po, mauna na po ako,” sabay umalis na. Hindi ko na kasama si Ai kasi may klase pa siya pagkatapos.
Nathaniel Espedillon, Espi daw kung tawagin ng karamihan sa mga estudyante. Teacher ko sa Mathematical Modeling. Magaling magturo. May sense of humor. Masarap pakinggan. Hindi ko nai-alis ang titig ko sa galing niya. Mukhang bata pa. I’m guessing around twenty-something ‘lang si sir Espi.
Habang pauwi, tinanaw ko ‘yung basketball court sa kanto. Walang tao. Pagdating ko sa bahay, nahiga na ‘lang ako. Normal routine. Naligo, kumain, toothbrush, nuod ng tv. Laptop saglit.
Ipinikit ko na ang aking mga mata. Dalawang tao sa isang araw. Hindi na masama.