Monday, May 30, 2011

Dahil wala tayo sa karera

4:24 pm


Kagigising ko lang sa mahabang pagkakatulog. Tumingin ako sa phone, 6 messages. Karamihan GM. Nung tinignan ko kung gaano karami na ang texts sa inbox ko, nasa 500+ na. Nahihirapan akong burahin kasi.. kasi.. wala akong oras.

Ganoon na ba ako ka-busy? Marahil hindi ko na din nakikita ang pagtanda ko. Ambilis ng mga pangyayari, at para sa akin, masama ito. Ikaw ba, gugustuhin mong magising at makita ang sarili mo na nagta-trabaho, tapos sa isang kisapmata, may pamilya na, at pagkatapos ay matanda ka na?

Hindi naman kasi rat race kung ituturing ang buhay natin, or at least ang buhay ko. Walang paunahan na dapat mangyari. Pero kung titignan mo ang iba'y nag-uunahang makatapos, at makapagtrabaho, at the expense of their health and time.

Inaamin ko, napipilitan akong gawin ang mga bagay na sa tingin ko ay hindi ko pa naman dapat ginagawa, tulad ng pagta-trabaho. Sa ngayon, kabababawi ko lang ng ilang oras na tulog mula sa puyat. Yung mga ibang araw na pagpupuyat ay hindi ko pa nababayaran. Sabi sakin ni mama dati, "Anak, iba pa din ang tulog sa gabi, hindi mapapalitan ng tulog sa umaga." Kung ganoon, edi baon nako sa utang sa tulog. Simula pa lang ng high school, suki nako sa pagpuyat. Naranasan mo na bang matulog nang nakaupo para madali kang magising at hindi ka ma-late? Naranasan mo na bang makatulog sa klase, at pagalingan pa ng pagtago para hindi kayo mahuli ng teacher? Naranasan mo na bang umabsent na lang kasi tanghali ka na nang nagising?

Sa huli, ang epekto ng pagmamadali natin sa buhay, babalik at babalik din naman sa atin. Sana nga, kahit mahirap, ay maibalik ko ang aking sarili sa normal na pamumuhay. Walang pagmamadali, walang pagsisisi.

No comments:

Post a Comment