Blanko ang pag-iisip ko noong naglakad ako papunta sa sunod kong klase. Hinanap ko ulit kung saan iyon, kahit alam kong nakapuntan na ako doon kahapon. Kuya, second day na kaya ito ng klase, mariin kong sinasabi sa sarili ko.
Heto na naman siya.
Pucha, ang aga naman.
Kakasimula ko pa ‘lang ng panibagong buhay.
Bakit ngayon pa.
Nagsimula ang klase ko nang eksakto alas-dose. Hindi nako nakapag-lunch. Hindi naman din iyon ang habol ng utak ko sa ngayon. Nag-iisip ako.
Nag-bell na.
12:10 pm. Rollcall.
Ano kaya ang nangyari sa akin kahapon?
Manuel, Christopher Reign.
Manuel, Christopher?
Bigla akong tinapik ng katabi ko. “Ikaw ‘yun diba?” sabi ng katabi ko.
Itinaas ko ang kamay ko. Pagkatapos ay iniyuko ko nang bahagya ang aking ulo, na parang nagpapasalamat sa katabi ko. Pero hindi ko nagawang ngumiti.
Lumilipad ang utak ko sa malayong lugar at panahon.
12:15 pm.
-----
9th birthday celebration ko. Maga pa ang kanang bahagi ng mukha ko mula sa insidente sa volleyball court. Ngunti kahit na ganoon, masaya ako. Bata eh. Basta makakita ng balloons, maraming nakabalot na regalo, pabitin at mascot, magagawa nang makalimutan ang lahat ng problema sa mundo.
“Anak, smile ka sa camera,” sabi ni daddy. May hawak akong laruang eroplano, galing sa ninong ko.
Isang napakalawak na ngiti ang nakita ng mga magulang ko.
Ilang saglit pa’y kinuhaan na ako ng picture.
Nag-flash.
Lumiwanag. Kasing bilis ng pag-flash ang pagbabalik ang mga pangyayari.
Bigla akong napaupo sa kinatatayuan ko. Natulala.
Pagbalik ko sa mundong bahagya kong iniwan, nagbago na ang lahat.
“Anak, si mama ‘to, anong nangyari?” maluha-luha siya.
“Anak, si papa ‘to. Toper, may nararamdaman ka ba?” sabay yakap sa akin, ayaw akong bitawan. Hinayaan ko ‘lang. Hindi ko ginantihan ang mga yapos na iyon.
Maraming boses pa ang aking narining.
“Toper,”
“Toper, bangon ka na.”
Nabibingi na ako. Andaming boses, hindi ko alam kung kanino ang pakikinggan.
Walang pamilyar sa kanilang lahat. Kahit ang lalaking nakayapos sa akin ay hindi ko kilala, ni ang babaeng anak ang tawag sa akin.
Ako ba ‘yung Toper? Bakit hindi ko alam?
Pilit kong hinalungkat ang aking isipan. Wala akong napala. Parang puting pader na walang nakasulat. Kahit yata iuntog ko ang ulo ko, wala talaga.
-----
12:20 pm
Binuklat ko ang aking kwaderno. May notes na mula kahapon. Itinuloy ko ang pakikinig sa aking teacher. Economics. Law of supply and demand. Demand curve. Naalala ko pa sila noong high school. Plus, nabasa ko na ang mga ito ilang linggo ‘lang ang nakalilipas.
Bakit nga ba demand curve ang tawag, eh linya naman siya?
Bakit nga ba ako ganito?
Bigla akong nag-change topic. Kainis. Balik aral na ako.
Nag-bell na.
Last class ko na. Ano kaya ang nangyari doon kahapon? Bahala na.
Napabuntong hininga ako. Tinignan ang sched ko. Lakad. Ngiti. ‘Yan. Ganyan nga Cristof. Kaya natin ‘to.
No comments:
Post a Comment