Saturday, May 7, 2011

Two's A Crowd - Chapter 6

Last class.

May babaeng sumalubong sa akin. Hindi ko kilala, pero alam kong nagkita na kami dati.

Yumakap pa siya. Yung friendly hug na yakap. Hinayaan ko ‘lang.

Mahigpit, matagal-tagal din, pero wala akong ginawa.

“Toper, tara naaa.”

Hindi ko magawang masabi ang mga iniisip ko. Kung sino man itong babaeng ‘to, dapat kong malaman. Kung ano man ang napagsamahan naming kahapon, dapat kong maalala. Kung may magagawa ‘lang ako. Kahit magsimula ulit kami sa simula, tipong magkikilanlan pa ‘lang ulit.

Puro kung. Alam ko naman na hindi pwede.

Sa klase, pilit siyang nagpapapansin. Mangangalabit dito. Mambabato ng maliit na crumpled paper kapag di nakatalikod ang teacher. Magsusulat ng heart at kung anu-anong scribbles sa gilid ng notes ko.

Sa lahat ng ginawa niyang iyon, mga pilit na ngiti at tawa ‘lang ang nagagawa ko.

Kailangan kong lakasan ang loob ko.

Sa gitna ng tuluy-tuloy na pagtatanung ng teacher namin, huminga ako nang malalalim.

“Umm, Irene..”

“Irene ka diyan! Tatay kita? Mga magulang ko ‘lang tumatawag sakin ng ganiyan eh. Ai. Ai. Ai,” sabay dila.

Napatawa ako. Kay sweet na bata.

“Gusto sana kitang yayain lumabas after ng klase. May gusto ‘lang akong sabihin. Pe-pe-pero, wala ‘lang iyon. As in tamang kwentuhan ‘lang talaga,” walang ekspresyon ang mukha ko.

Papayag ka kaya?

Sabay nag-bell na.

“Ah, hehe. Umm..” syet, nagba-blush siya. Wrong move ba ito?

“Sa labas na tayo mag-usap,”

Habang palabas ako, ngumiti ako na para ‘bang anlaking accomplishment nito.

-----

Naglakad-lakad kami sa isang maliit park sa loob ng campus. First time kong maglakad nang may kasamang ibang tao sa lugar na ito.

“Bakit mo naisipang magyaya? At may disclaimer ka pang nalalaman. Pwede naman kitang samahan kung wala ka talagang ibang mayaya,” at tumawa na naman siya.

Walang pasabing pinisil ko ang dalawa niyang pisngi.

Hindi ko alam kung bakit, basta pinisil ko ‘lang.

Hindi kami nakagalaw.

Hanggang sa lumuwag ang pagkakapisil ko. Hawak ko na ang pisngi niyang malambot.

Kinabahan ako.

Tama kaya ‘tong gagawin ko.

Ai, pumalag ka. Sampalin mo ko. Tumakbo ka palayo.

Pero hindi.

May mga nalaglag sa lupa. Mga notebooks niya. Parang nagulat siya, at pupulutin na sana niya ang mga iyon, pero hindi ko hinayaan.

“Ai, may sasabihin ako.”

“Ano ‘yun Toper?”

Sumabay ang kapaligiran sa aking emosyon. Humina ang hangin, tumahimik ang mga ibong kanina’y naghahabulan. Nagtago ang araw sa likod ng mga maiitim na ulap.

“Hindi ako si Toper.”