Wednesday, March 21, 2012

Pag-usapan natin iyan

4:36am


Umamin ka. Sinubukan mo nang makipag-usap sa iyong magulang. Sinubukan mong iparating ang iyong saloobin. Makipag-diskusyon nang may tamang basehan. Ngunit aminin mo din, sa maraming pagkakataon, matatapos ang usapan sa alinman sa mga ito. Mamili ka: 

1. Umiiyak ang kausap mo kaya tumigil ka na lang; (appeal to emotions)
2. Natamaan ka na ng bakya o kaya ng malapad-lapad na palad sa pisngi; (brute force method)
3. Natutuyuan ka na ng laway; (low IQ+EQ kausap)
4. Paikut-ikot na lamang ang usapan; (low IQ+EQ kayo pareho)
5. Nalaman mong ikaw ang mali. (good boy)







Naniniwala ako na may tatlong klaseng tao sa mga ganitong usapan. Una, isang taong sarado ang utak na kahit iuntog mo na ang ulo mo sa pader, mag-peksman-hope-to-die drama ka, o mag-pinky promise ka pa, ay hindi paniniwalaan ang kahit anong sabihin mo. Sila ang tipong may sariling pananaw sa lahat ng aspeto ng buhay - Philosophy, Mathematics, Science, Literature, Movies, Current Events at kung anu-ano pa. Ang katagang "hindi ko alam" ay wala sa kanilang bokabularyo. Titigil lang sila kapag nalaman nilang sila ang nagwagi sa usapan, o kaya kapag nasampal mo na siya ng Encyclopedia na nagsasabing patay na si Elvis Presley, kalakip ang sabi-ko-sayo-tama-ako-eh na ngiti. Mahirap kausap ang mga ganitong tao.

Pangalawa, may mga taong tangu lang ng tango. Parang aso sa may harapan ng kotse, walang ibang ginawa kundi sang-ayunan ang lahat ng sinasabi mo. Halos wala silang pinagkaiba sa pagkausap ng pader, lamang lang ang pader kasi mas maagang matapos ang pag-uusap. Walang challenge. Walang paggamit ng rason. Masarap kumausap ng mga ganito kapag kaka-break mo lang sa ex mo, kapag may mga rants ka at gusto mo lang ng may mapaglalabasan ng sama ng loob.

At siyempre, nandiyan ang ikatlong uri ng kausap, ang marunong makinig at marunong makipag-usap sa tamang paraan. Taglay nila ang buong kalooban ng isang sarado ang utak, pero marunong din tumango at tanggapin ang kanilang pagkakamali.

Alin man sila sa tatlong ito, mas pipiliin mo pa din ang isang taong nagsasalita sa taong hindi. Normal sa akin na gamitin ang laway ko, at masarap sa pakiramdam na may taong kapareho mo ng nalalaman. Healthy discussions. 


photo source

No comments:

Post a Comment