11:18 pm
May narining ako. Habulin mo ako. Pupungas pungas akong tatayo para tingnan kung anong oras na. Sh*t. Alas singko na pala. Baka makarating na ako ng alas otso sa office. Gusto kong makarating nang maaga kahit alas nuwebe pa naman ang simula ng training. Magre-review pa ako ng mga materials kahapon.
Good morning ma.
Kiss.
Tara kain.
Kaunting kuwentuhan.
Kaunting mumog.
Kaunting kuskos ng katawan.
Kaunting hininga.
Baclaran.
MRT Shaw.
Office.
Alas nuwebe. Simula na ng panibagong hamon sa araw na ito. Matatapos din ang araw na simbilis ng aking buntung hininga sa bawat lesson na hindi ko kaagad-agad maintindihan. Pagpatak ng alas sais, pagamamasdan ko ang paglubog ng araw. Uwian. Nagawa na ba kitang habulin? Hindi pa. Hahabulin kita hanggang sa makuha kita.
Welcome home.
Kain ng kaunti.
Usap nang kaunti.
Aral pa nang bahagya.
Ganito ako mula Lunes hanggang Biyernes. Magigising dapat ng 4:30 am. Makakauwi ng 9:00 pm, o mas gabi pa. Matutulog ng 11:00 pm. Nakakapagod din pala. Pagod sa mahigit apat na oras na biyahe araw araw. Sa dalawang linggo ko sa trabaho, masaya ang puso at isip ko, kahit na may iniinda akong pagod. Akala ko sapat yung mahal mo kung ano ang ginagawa mo.
Habulin mo ako. Hindi na ito sigaw ito ng mga gawain ko sa pang-araw araw. Akala ko kasi ako si Superman. Akala ko kasi kaya ng Tongkat Ali na ibalik ang lahat ng lakas na inilalabas ng katawan ko. Akala ko may lakas ako sa lahat ng hamon ng buhay na ibinabato sa akin. Habulin mo ako. Sigaw na pala ito ng katawan at kalusugan ko na unti unti nang bumibigay sa pagod. Kailangan ko din ipahinga nang kaunti ang aking katawan.
Simula ngayon, sisimulan ko nang umuwi ng eksaktong alas sais. Hindi ko na aalalahanin ang mga training materials tuwing Sabado at Linggo. Susubukan kong maglakad-lakad ulit sa parke. Manood ng movie. Magbasa ng libro. Mag-text. Mag-blog. Makipagkuwentuhan sa pamilya. Live a life. Buhay ko, habulin mo ako.