Sunday, May 26, 2013

Adult Superman

Ilang beses kong pinangarap na maging si Superman. 

Noong bata pa ako, mga Prep or Kinder, madalas akong tumititig sa alas-sais na araw; makikipagtagisan ako ng galing. Aabutin ng limang minuto akong tititig sa kanya. Ang sarap sa pakiramdam, malamang naiisip ko sa panahong ito yung mga eksena sa pelikula kung saan gigising ang pasyente at may nakabubulag na liwanag. Pakiramdam ko ang galing-galing ko, kasi sa aking paningin, nahahati ko ang puting liwanag sa iba't ibang kulay. Lila, luntian, kahel, rosas. X-ray vision kumbaga. Ramdam ko, ako si Superman.

Ni minsan hindi ko kinatakutan ang mga numero. Minahal ko sila, at minahal din nila ako dahil hindi naging mailap para sa akin ang pag-unawa sa misteryo na kanilang taglay. Inaamin ko, minahal ko din ang pagkilala at ang mainit na pagtanggap ng tao sa pagmamahal ko sa sining ng numero. Iniisip ko, basta't samahan ng pagpupursigi at puso, wala mahirap na bagay pagdating sa Math. Sa ikalawang pagkakataon, inakala kong ako si Superman.

Ilang buwan na ang nakalilipas, nagsimula akong hirap na hirap sa trabaho. Overtime ng Lunes. Overtime hanggang Biyernes. Hindi ko batid kasi masaya ako sa ginagawa ko. Inom ng Lunes. Pahinga ng Martes. Inom ulit ng Miyerkules, pati ng sa Biyernes. Pagdating ng Sabado't Linggo, gusto ko pang lumabas para kitain ang mga kaibigan ko. Ang dami kong oras. Ang dami kong lakas. Muli, inakala kong ako si Superman.

Inakala, pero hindi pala. Binulag ako ng araw, sinaktan ako ng kasikatan, at pinaasa lang ako ng pagkakataon para isipin kong kaya kong gawin ang lahat.

Nagkausap kami ni mama kanina. Naglabas ako ng hinaing. Pinaunawa niyang hindi ko kayang hawakan ang lahat sa aking mga kamay. Minsan, kailangan kong ipaubaya sa itaas. Mabuhay lang ako kung ano ang kaya kong gawin. Matutong humindi.

Hindi ako nakalabas ngayon. Grounded. Mabigat noong una, pero napaisip din ako sa usapan namin kanina. Hindi na ako pabata. Hinding-hindi ko kayang maging si Superman. 

Hindi ko alam kung saan tutungo ang buhay ko ngayon, pero ramdam kong may maganda akong aabangan sa dulo.

No comments:

Post a Comment